Anti -Terrorism Bill

Rey Tamayo, Jr.

Kamakailan, sa botong 19-2 ay inaprubahan na ng Senado ang panukalang batas – ang Senate Bill 1083 o mas lalong kilala sa tawag na Anti-Terrorism Act of 2020 na naglalayong amyendahan ang Human Security Act of 2007. Ang nasabing panukalang batas ay magpapalakas umano sa anti-terrorism policy ng bansa.
Batay sa panukala, susuportahan ng Anti-Terrorism Act ang criminal justice system ng pamahalaan bilang tugon sa banta ng terorismo, mabigyan ang law enforcer ng mga kinakailangang kagamitan upang maprotektahan ang publiko sa paghahasik ng kaguluhan mula sa mga terorista; at saklaw din ng panukalang batas na pangalagaan ang karapatan ng mga akusado sa krimen.
Sa ilalim ng panukalang batas, pinahihintulutan nito ang wiretapping, palalawigin nito mula sa tatlong araw (3) ay maaari nang maidetine hanggang 14 na araw ang mga pinaghihinalaang terorista kahit na walang warrant of arrest. Pinahihintulutan din nito ang law enforcers na magsagawa at isailalim sa 60 araw na surveillance at pilitin ang mga telcos company na ibunyag ang lahat ng tawag at mensahe ng isang pinaghihinalaang indibiduwal o organisasyon bilang bahagi ng imbestigasyon.
Tanging sina opposition senators Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan ang tumutol sa naturang panukalang batas. Ayon sa kanila, maaari umanong maabuso ng nasabing batas ang karapatan at kalayaan ng isang indibiduwal.
Pagtitiyak naman ni Senator Panfilo Lacson, ang co-authored ng panukalang batas, may sapat umanong probisyon hinggil sa posibilidad na abusuhin ng mga arresting officers ang mga pinaghihinalaang suspek. May kaukulang parusa ang sinumang law enforcement personnel o military personnel na mapapatunayang lalabag sa mga karapatan ng mga pinaghihinalaang terorista ay maaaring makulong ng hanggang 10 taon.
Kaagad din na aabisuhan ang Commission on Human Rights sa tuwing mayroong mai-didetineng kahinahinalang suspek na maaaring sangkot sa terorismo.
Nakapaloob din sa panukalang batas na maaaring mahatulan at mabilanggo ng 12 taon ang sinumang nagbantang maghahasik ng terorismo at mayroon katulad na parusa laban sa sinumang magsasagawa at manghihikayat ng ibang tao na gumawa ng terorismo.
Magugunitang noong 2017, naitala ang madugong pagkubkob at pag-atake ng pinagsanib na puwersa ng Maute group at Abu Sayyaf sa Marawi City. Batay sa security at intelligence units ng pamahalaan, mayroong direktiba noon ang ISIS sa Maute group at Abu Sayyaf upang magtatag ng ISIS state sa Mindanao at magsagawa ng karahasan at mga lawless violence.
Ang resulta sa hinaharap, malaki ang maitutulong ng nasabing batas upang labanan ang terorismo sa bansa…ngunit kung hindi maipatutupad ng tama, maaaring magdulot ito ng pang-aabuso.