Larawan

Rey Tamayo, Jr.

Bakas sa mukha ni Samuel ang pagiging balisa habang nag-aalumpihit sa mabilis na paglalakad patungo sa baryo Pulag. Maya’t maya ang paglingon sa kanyang likuran upang tiyakin na walang taong nakasunod sa kanyang paglalakad.

Panandaliang sinandal ang kanyang likod sa isang patay na puno ng Balite sa tindi ng pagod. Mabilis niyang dinukot mula sa kaliwang bahagi ng bulsa ng kanyang pantalon ang halos kupas na mapa na naging giya niya sa paglalakbay. Ngumiti ng bahagya ang kanyang labi sabay ang pagsulyap sa kanyang relo.

Nakaidlip si Samuel sa tindi ng pagod. May halos dalawampung minuto rin siyang walang malay tao bago siya bulabugin ng dalawang binatilyo na armado ng mga baril.

“ Hoy, gising! Anong pangalan mo?” tanong ng isang binatilyong may hawak ng armallite habang nakatutok ang baril sa mukha ni Samuel.

“Samuel, Samuel ang pangalan ko.” bigla niyang naisagot ng siya’y maalimpungatan.

“Sige, tumayo ka, kanina ka pa hinihintay ni kumander.”

Piniringan nila ang mga mata ni Samuel habang ginapos naman ang kanyang mga kamay bago nagtungo sa kanilang kampo. Ipinasok siya sa isang tolda, matapos siyang paupuin ay agad namang tinanggal ang piring sa kanyang mga mata at kinalag ang pagkakagapos sa kanyang kamay. Hinanap niya agad ang dalang kamera upang usisain ang dalang gamit.

“Kumusta ka na, kaibigan?” tinig ng isang matipunong lalaki.

Pamilyar ang boses na iyon kay Samuel. Mabilis niyang pinitik ang gatilyo ng kanyang kamera at isang larawan ang muling nabuo na matagal nang napanas ng panahon.

“ Hindi ka pa rin nagbabago, Samuel. Mabilis ka pa ring pumitik ng kamera.” habang ngumingising lumapit kay Samuel at inabutan ng isang basong mainit na kape saka naupong kaharap niya.

“Salamat, Bruno. Kumusta ka na?” sabay higop ng mainit na kape.

“Pasensiya ka na at kape lang ang maibibigay ko saiyo, hindi tulad sa patag kahit ano pwede mong inumin at kainin. Ito buhay pa naman at patuloy pa rin sa pakikipaglaban.”

“Ano pa ba ang inyong ipinaglalaban?” mabilis na tanong sa kaibigan.

Isang malaim na buntong hininga ang iginanti ni Bruno.

“ Tara labas tayo,” anyaya ni Bruno.

Muling ikinasa ni Samuel ang kanyang kamera upang muling kumuha ng mga larawan. Habang naglalakad sila sa loob ng kampo, panay naman ang kuha ni Samuel ng mga larawan. Mananatili ang mga larawan upang patunayan sa mga tao ang reyalidad na nagaganap sa ating lipunan na pinatitingkad pa ng sari saring emosyon sa bawat pitik ng gatilyo ng kamera.

“Hindi maaaring itago ng iyong mga obrang larawan ang kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Mahusay kang retratista at premyadong manunulat, taglay mo ang mga katangiang iyan buhat pa noong tayo’y nasa kolehiyo, pitong taon na ang nakalilipas. Kaya lang may mga taong ang gusto lamang ay kaligayahan. At iyon ang aming ipinaglalaban.”

“ Ang pagkakapantay-pantay ba ang ugat at bunga ng inyong pakikibaka.”

“Isa lamang iyon, hangga’t may mga taksil sa soberanya ng ating bayan at hangga’t may mga taong lango sa kapangyarihan, hindi matatapos ang aming pakikipaglaban sa pamamagitan armadong pakikibaka.”

“Iyan ba ang matuwid na pakikipaglaban, ang pag-aaklas sa pamahalaan?”

“Oo, dahil ang pamahalaan mismo ang nag-udyok sa amin upang humawak ng armas. Ito ang ideyalismong ipinakilala sa amin alang-alang sa isang progresibong pagbabago sa ating bayan. At pakikisangkot sa mala- piyudalismong lipunan na dapat ay wakasan sa pamamagitan ng armas at prinsipyong magpapalaya sa amin sa kamay ng mga elitistang burgis.”

“Ang akala mo ba’y makatutulong ang armadong pakikibaka na kasangkapan ang mga kabataan, na dapat sana’y nasa mga paaralan upang kumuha ng edukasyon.”

“Tama ka, edukasyon, ngunit mananatiling lumpo ang edukasyong iyan hangga’t patuloy na kinakamkam ang aming kaunting karapatan upang matuto ng karunungan, dahil takot silang mabunyag ang kanilang kabulukan sa sandaling matuto kaming lumaban ng talino sa talino. Kinakailangang mulat ang mga kabataang ito sa isang waring kanibalismong gawain ng mga taong mapagsamantala sa mga tulad naming pinalaki at inilugmok sa kahirapan. Hindi namin malasahan ang pagkaing iniaalok ng mga nasa gobyerno dahil kaluluwa namin ang uhaw at gutom sa kahirapan.”

“Bakit inilalagay mo sa iyong mga kamay ang batas at hustisya?”

“Hustisya ba kamo? Bulag na ang hustisya sa ating bayan ngayon. Nakapiring na ang mga mata ng hukom na gahaman sa salapi. Mas matimbang na ang pera kaysa sa tunay na hustisya.

“ Ngunit hindi lahat ng nasa pamahalaan ay gaya ng iniisip mo?”

“Tama ka, at sumasaludo ako sa mga taong iyon na ewan ko kung nasaan na sila. Hindi lang ako ang biktima ng mga huwad na propaganda, marami kami. Ngayon masisisi mo ba kami kung kami’y humawak ng armas upang ituwid ang buktot na sistemang ipinagmamalaki mo.”

“Pero hanggang kailan kayo gagamit ng armas na ipupuksa n’yo sa inyong kapwa?”

“Hindi ko alam, isa lang ang natitiyak ko. Hangga’t may mga demonyo sa gobyerno, hindi ko bibitawan ang aking armas,” pagdidiin ni Bruno habang inilalapit ang kanyang mukha sa kaibigan.

Muling narinig ni Samuel ang ikalawang bagting ng buntong hininga galing sa kaibigan. Marahang naglakad palayo na nakatalikod. Unti-unting humulagpos ang isang tinig ng paglalambing buhat kay Bruno.

“Marahil pagbaba mo sa patag, pagkakaguluhan ang iyong mga nakuhang larawan dito sa kampo ng mga kapwa mo taga-media, militar, pulisya at maging ng pamahalaan. Pagpipiyestahan ang gagawin mong artikulo tungkol sa akin.”

Bahagyang napatawa si Samuel sa narinig sa kaibigan sabay ang pagkuha ng larawan kay Bruno.

“Alam mo Samuel, malayo na ang narating mo. Isang sikat na peryodista at retratista ang kaharap ko ngayon. Kaisa-isang mediaman na nakatuntong sa kuta ng berdugong si kumander Bruno. Berdugo, masamang tao, kriminal, anay sa lipunan at terorista; iyan ang tingin ng lipunan sa akin sampu ng aking mga kasama.”

“Bakit mo ginagawa ito sa akin?’ wika ni Samuel.

“ Dahil may tiwala ako sa’iyo. Titigil lamang kami sa rebolusyunaryong pagkilos kung matitiyak namin na ang hustisya ay para sa lahat ng tao alang-alang sa bayan”

“Salamat Bruno, humahanga ako sa iyong determinasyon,” sabay ang pakikipagkamay sa kaibigan.

Matapos ang sandaling pamamaalam, isang malakas na pagsabog ang kanilang narinig, nagkagulo sa kampo hanggang sa nasundan muli ang ilan pang pagsabog, hanggang sa marinig ni Samuel ang maraming mga putok ng baril.

Makalipas ang isang lingo.

Tinangka ni Samuel na alisin ang piring sa kanyang mata ngunit pinigil siya ng isang nakagigimbal na pangyayari.

“Buti naman Samuel at nagkamalay ka na!” wika ni Dyan na waring nangangamba habang nagsasalita sa kasintahan.

“Dyan, ikaw ba iyan?” tanong ni Samuel sa kasintahan habang pilit na bumabangon mula sa pagkakahiga.

“Oo, ako ito, huwag mo munang alisin ang benda sa mata mo, naimpeksyon daw sabi ng doktor. Isang linggo na ang nakalilipas ng lusubin ng mga sundalo ang kuta ng mga rebelde sa baryo Pulag. Alam mo ba na maraming namatay na rebelde pati nga yung kumander nila napatay daw ayon sa balita. (Nagkibit balikat at muling nagsalaysay) Headline nga sa mga diaryo, T.V., at radio ang balitang iyon; tapos nun s’yempre pinarangalan si Mayor Miranda. Siya daw kasi ang itinuturing na bayani kaya nasugpo yung mga rebelde sa lugar natin.” dagdag niya.

Kinabukasan, kahit hindi pa tinatanggal ang benda sa kaniyang mga mata dulot ng naganap na pagsabog, nagpasyang siyang isiwalat sa publiko ang kaniyang nakuhang larawan at maging ang mga impormasyong nakuha niya sa kampo ni Bruno. Kasama niya si Dyan at ang kaniyang Senior Editor patungo sa isang restaurant kung saan gaganapin ang kaniyang press conference hinggil sa nasabing isyu.

Mabilis ang takbo ng kanilang sasakyan, nananabik si Samuel na maipaalam sa publiko ang kalagayan ng kaniyang kaibigan. Ibig niyang tulungan si Bruno at magkaroon ng pagkakataong mamuhay tulad ng isang ordinaryong mamamayan.

“Alam mo Samuel, tiyak na puputok ang isyung ito hindi lang dito sa ating bayan kundi maging sa buong bansa. At tiyak makakalampag si Mayor Miranda sa mga ibubunyag mong katiwalian ng kanyang administrasyon.” wika ng kaniyang Senior Editor habang tinitingnan ang mga larawan nakuha ni Samuel.

Habang sila’y nasa daan ay may bilang humarang na isang van sa kanilang sasakyan, sinundan pa ng isa pang van na nakabuntot sa kanilang likuran.

Pilit na pinababa ang kanilang driver at kinaladkad naman palabas ng sasakyan ang kaniyang Senior Editor. Napasigaw sa takot si Dyan sa mga nakitang kalalakihan na armado na matataas na kalibre ng mga baril.

Walang magawa si Samuel sa dahilang may piring pa rin ang kaniyang mga mata at hindi makakita. Maya maya’y may narinig siyang tatlong putok sa di kalayuan at biglang lumagapak sa kalsada. Narinig din niya ang boses ng kaniyang editor na waring humihingi ng awa ngunit naglaho ang tinig na iyon matapos na marinig ang dalawa pang putok.

Ang mahigpit ng pagkakayakap ni Samuel kay Dyan ay unti-unting humulagpos ng puwersahan silang pinaghiwalay sa isa’t isa. Isang nag-aalab na damdamin ang naramdaman ni Samuel ng mapawi ang tinig ni Dyan na tinatawag ang kaniyang pangalan.

Lalo pang nabaghan si Samuel nang marinig niya ang halakhak ng mga lalaking nakapaligid sa kaniya. Isang malakas na hampas ng baril ang tumama sa kaniyang batok. Nasubasob siya sa lakas ng pagkakahampas at isang boses ang nagbigay ng larawan sa kaniyang madilim na paningin.

“Mayor…itutumba na ba natin itong matapang na peryodista?”

“Huwag ninyong itumba, kriminal ang taong iyan kaya dapat munang kasuhan at maipakulong.”

Nasa isang tahimik na dako si Samuel nang siya’y magkamalay-tao. Marahan niyang tinanggal ang piring sa kaniyang mga mata at namangha sa kaniyang mga nakita. Maliwanag ang dakong kinaroroonan niya at parang nanganganinang na bubog ang bawat masulyapan ng kaniyang mga mata. “Napakaganda ng lugar na ito; walang away, walang patayan, walang gulo at walang pang-aapi. At ito ang gusto kong makita sa aking bayan. Ngunit nasaang dimensiyon na lugar ba ako naroroon?” bulong ni Samuel sa sarili.

Wakas

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s